Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado nitong Martes, mariing itinanggi ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo "Dong" Calugay na may romantiko silang relasyon ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.

"Kaibigan lang po," pahayag ni Calugay sa ginanap na pagdinig ng komite sa Senado na nagsisiyasat tungkol sa ilegal na operasyon ng POGO sa bansa.

Ipinaliwanag din ni Calugay kung bakit may suot siyang campaign shirt ni Guo, at kung bakit nasa float siya kasama ang dating alkalde nang nangangampa noong 2022 elections.

"Pakilarawan po gaano ka-close 'yung pagiging magkaibigan niyo," tanong ni Senadora Risa Hontiveros.

Tugon ng alkalde, "Magkaibigan lang po kamin, madam chair."

Ayon kay Calugay, inimbitahan lang siya ni Guo na dumalo sa campaign parade at ibinigay lang sa kaniya ang campaign shirt.

Tungkol sa larawan na magkasama sila sa float, sinabi ni Calugay na inimbithan niya si Guo na sumama sa kaniyang victory caravan, at inimbitahan din naman siya ng dating alkalde na sumama sa motorcade nito.

Ayon pa kay Calugay, mayroon siyang kinakasama ngayon.

"Una na-annul, tapos ngayon may kinakasama," paliwanag ng alkalde tungkol sa kaniyang love life.

Nang tanungin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si Calugay kung kilala ni Guo ang kinakasama niya ngayon, sabi ng alkalde, "Hindi ko po alam kung kilala po niya, your honor."

Kaya naman direkta nang tinanong ni Estrada si Guo na nasa pagdinig din kung kilala niya ang sinasabing kinakasama ngayon ni Calugay.

"I refuse to answer po," unang sagot ni Guo. Pero nang muling tanungin tungkol dito, sinabi ng dating alkalde na hindi niya kilala.

Nauna nang itinanggi ni Guo na wala silang romantikong relasyon ni Calugay matapos ipakita ni Estrada sa nagdaang pagdinig na may bulaklak na ibinigay sa kaniya ang alkalde.-- mula sa ulat ni Hana Bordey/Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News