Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na tukoy na nila ang ilang miyembro umano ng tinatawag na “angels of death” na itinuturing ng pulisya na private army ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nakuha na umano ni Police Regional Office 11 (PRO 11) chief Police Brigadier General Nicolas Torre III, ang mga pangalan ng ilang miyembro ng naturang grupo.
“May initial na silang pangalan na maaaring miyembro nitong sinasabi ng 'angels of death' na ginagamit para takutin at saktan itong magdi-divulge ng mga secrets nilang nangyari doon sa loob ng [Kingdom of Jesus Christ] building,” ayon kay Fajardo.
“Well, private army in the sense na they are taking orders from Apollo Quiboloy. Definitely, kasi sila nga ang ginagamit para panakot dito sa mga batang ito,” dagdag niya.
Una rito, sinabi ng PNP na batay sa pahayag ilang biktima umano ng pang-aabuso ni Quiboloy, na tinatakot silang hahanapin ng “angels of death” kapag ipinaalam nila sa iba ang nangyari sa kanila sa loob ng KOJC compound.
BASAHIN: 2 sa 5 ‘sex slaves,’ handa umanong tumestigo vs Quiboloy, ayon sa Davao City Police chief
Sinabi ni Fajardo na iniimbestigahan din ng PNP kung mayroong mga Army reservists at militiamen na nagsisilbing bodyguards ni Quiboloy ang kasama sa "angels of death."
Kumikilos na umano ang PNP para kanselahin ang mga gun licenses ng mga miyembro ng “angels of death.”
“Yan yung initial natin gagawin ngayon na we will be requesting the Firearms Exclusive Office for the revocation ng kanilang [License to Own and Possess Firearms] at firearms registration,” saad ng opisyal.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang pahayag ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon tungkol sa sinabi ni Fajardo.
Kasalukuyang nakadetine si Quiboloy sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri sa kaniyang kalusugan. Habang ang apat niyang mga kapuwa akusado, ipinalipat ng korte sa Pasig City Jail.
Nahaharap so Quiboloy at mga kasama niya sa kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, pati na ang qualified human trafficking. May mga kaso rin siyang kinakaharap sa Amerika.
Mariing itinanggi ni Quiboloy at kaniyang mga abogado ang naturang mga paratang.—FRJ, GMA Integrated News