Nasawi ang isang pulis at ang kaniyang asawa matapos silang pasukin at pagbabarilin sa kanilang bahay ng isang salarin sa Alabang, Muntinlupa City. Sugatan din sa pag-atake ang kanilang isang anak.
Kinilala ang mga nasawi na si Police Captain Aminoden Mangonday, 40-anyos, at kaniyang asawa na si Mary Grace Mangonday, 40.
Sugatan naman ang kanilang anak na babae na 12-anyos.
Batay sa paunang ulat mula sa pulisya, dakong 1:10 am nang pasukin ng salarin na nakasuot ng itim na jacket at pants ang bahay ng mga biktima sa Tierra Villas sa Ilaya Street.
Kaagad na nasawi ang mag-asawa habang isinugod naman sa ospital ang sugatan nilang anak.
Sa Facebook post, mariing kinondena ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang ginawang pag-atake sa pamilya ni Aminoden.
"This act of violence against a law enforcement officer and his family should be investigated thoroughly, leaving no stone unturned to find the perpetrators and the mastermind and prosecute them," pahayag ng alkalde.
"The people of Muntinlupa mourn for this loss of a fellow public servant and his wife," dagdag niya.
LIVE sa DZBB: PMaj Hazel Asilo, PIO chief ng Southern Police District kaugnay sa kaso ng pagpatay sa isang pulis at kanyang asawa sa Muntinlupa City.https://t.co/VvmwPeJiTu pic.twitter.com/cycp1bvrID
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 16, 2024
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.
Sa panayam ng Super Radio dzBB, sinabi ni Police Major Hazel Asilo, PIO chief ng Southern Police District, inakyat ng salarin sa ikalawang palapag ng bahay ang pulis na natutulog sa sala at binaril sa ulo.
Nang magising ang asawa ng biktima na nasa kuwarto, binaril din ito ng salarin.
Dahil sa malakas ang putok ng baril, naalerto rin ang kanilang anak na nasa hiwalay na kuwarto na lumabas at binaril din ng salarin. --FRJ, GMA Integrated News