Patuloy na lumalaban sa buhay ang isang lalaking may orthopedic disability at isang babaeng na-stroke, na nagpapalaboy-laboy gamit ang isang kariton na nagsisilbi nilang tahanan sa Quezon City.
Sa video ni Giana Marie Ponce, na itinampok din sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na kinakaya ng lalaking si Raymond na itulak ang kariton kung saan nakahiga naman at halos hindi makakilos ang kinakasama niyang si Sharon.
Dalawang beses na-stroke at may tuberculosis si Sharon.
Wala mang permanenteng mauuwian at sa kabila ng kanilang kalagayan, nangingibabaw pa rin ang pagmamahal nila sa isa't isa.
Hanggang sa mapukaw sa kanila ang pamilya ni Ponce.
Minabuti ibigay ng pamilya ni Ponce kina Raymond at Sharon ang baon nila noong pagkain.
"At that moment po talagang sobrang naawa po ako pati na rin po 'yung pamilya ko. Pero at the same time naka-i-inspire rin po kasi kahit na ganu'n po 'yung kalagayan po nila, mahal po nila 'yung isa't isa, ang sweet din po nila," sabi ni Ponce.
Nag-viral sa social media ang video nina Raymond at Sharon at maraming netizen ang ginusto ring magpaabot ng kanilang tulong.
Nag-organisa ng donation drive ang pamilya saka sila nakipagtulungan sa mga awtoridad upang maiabot kina Raymond at Sharon ang mga nalikom nilang karagdagang tulong.
"Ako po kasi isa lang din po akong college student so sila po wala silang matutuluyan na bahay. Sabi ko sa sarili ko, 'Sana i-bless pa ako ni Lord para makapagbahagi rin po ako ng blessing po sa mga katulad po nila na nahihirapan sa buhay," sabi ni Ponce. —VBL, GMA Integrated News