Dahil hindi na umano masikmura ng kuya ang ginagawa ng kaniyang ina na kinakalakal sa online kalaswaan ang bunso niyang kapatid na babae, nagpasya na siyang magsumbong sa mga pulis.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naaresto sa Malabon ang isang 45-anyos na ginang sa ikinasang entrapment operation.
Nasagip naman ang anak niyang babae na siyam na taong gulang na ginagamit umano ng suspek sa online kalaswaan na pinagsasayaw nang walang saplot sa online live show.
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Police Captain Santiago Roy, agad silang nagkasa ng operasyon nang matanggap nila ang impormasyon mula sa nakatatandang kapatid ng biktima.
"[Na]engage nga namin itong suspek, nagpanggap kaming foreigner. Ang mga parokyano niya mga foreigner din eh… Hiningan kami ng paunang bayad, initial payment of P1,000 kapalit ng pictures ng minor na yun,” ayon kay Roy.
Kinalaunan, humingi umano ng ginang ng P10,000 kapalit ng mga video ng biktima.
Nadakip ang suspek sa isang hotel room sa Malabon kung saan nito pinapagawa ng kahalayan ang kaniyang anak.
“Ini-induce [niya ang victim] na mag-perform ng illicit activities, like mag -modelling nang naka-nude. Itong bata, pinangakuan nuong una, magmo-modelling lang… Papakita lang sa mga foreigner at parokyano na naka-swimsuit. Pero kalaunan, pinapaghubad na siya,” sabi ni Roy.
“Ito’y inamin naman niya. Ginawa niya ang isang bagay na yun at pinagsisisihan na niya. Gusto raw niyang makatapos sa pag-aaral ang anak niya,” dagdag pa ng opisyal.
Mahaharap ang ginang sa reklamong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation Materials Act. — FRJ, GMA Integrated News