Isang sundalo ng North Korea ang lumipat umano sa South Korea nitong Martes ng umaga, at tumawid sa militarized border sa eastern part ng Korean peninsula, ayon sa Yonhap news agency, batay sa impormasyon mula sa militar ng South Korea.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nag-over-da-bakod ang sundalo sa Goseong county sa east coast na hangganan ng North Korea. Isinailalim siya sa kostudiya ng South Korean guards na sinubaybayan ang kaniyang naging mga galaw.
Sinabi ng isang opisyal ng South Korean defense ministry na tinatanong na ang naturang sundalo sa dahilan ng kaniyang pagtawid mula sa North.
Hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye.
Inihayag ng Yonhap na may ranggong staff sergeant ang naturang North Korean soldier.
Kamakailan lang, isang residente rin mula sa North Korea ang tumawid sa South sa bahagi ng west coast.
Itinuturing mapanganib at bihira ang pagtawid ng mga North Korean sa border. Karamihan sa mga "umaalis" mula sa North para lumipat sa South ay dumadaan umano sa China or iba pang third countries. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News