Sinuportahan ni Vice President Sara Duterte ang panukalang batas na inihain ng kaniyang kapatid na si Davao 1st District Representative Paolo Duterte, na nagtatakda sa mga opisyal ng gobyerno na sumailalim sa mandatory random drug test.
Sa ambush interview sa Davao City nitong Huwebes, sinabi ni VP Sara na makatutulong ang drug test para matiyak na nasa tamang katinuan ang mga opisyal sa pamahalaan.
“Yes, of course, oo. Unang una dapat talaga mapanigurado nating lahat ‘no na nasa tamang pag-iisip ‘yung ating mga public officials, kasama na ako doon,” saad niya.
Sa ilalim ng House Bill No. 10744, inaatasan ang mga halal at itinalagang opisyal sa pamahalaan, kasama ang Pangulo, na sumailalim sa random drug tests sa pamamagitan ng hair follicle drug tests tuwing ika-anim na buwan.
Nais din nitong ma-institutionalize ang voluntary random drug testing sa mga kandidato sa loob ng 90 araw bago ang takdang araw ng halalan.
Ang mga magpopositibo sa drug test, maaaring masuspindi o masibak sa tungkulin, batay sa panukala.
Ayon kay VP Sara, handa siyang sumailalim sa hair follicle drug test, gaya ng hamon ni dating Presidential spokesman Harry Roque.
“Yes. Opo. Nababasa ko na ‘yung panawagan ng mga tao. At aayusin na lang natin kung kailan ‘yon. Kasi dapat siguro doon na merong unang una, third party na kasali doon sa testing at siguro hindi lang isa ang laboratory para sure tayo na naba-validate ‘yung results,” pahayag niya.
“So ‘yung ganyang detalye, gusto ko ma-plantsa ng lahat ng nananawagan. Gawin natin ‘yung drug test,” dagdag pa ng pangalawang pangulo. — FRJ, GMA Integrated News