Isang dating barangay kagawad na nadakip na ng mga awtoridad ang itinuturong mastermind sa pamamaril sa isang babaeng kagawad habang kasama nitong naglalakad ang 11-anyos na anak sa Quiapo, Maynila. Ang gunman, tukoy na rin.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing lumabas sa backtracking ng pulisya, na nakita ang suspek na dating barangay kagawad na nakikipag-usap sa riding-in-tandem 10 minuto bago ang pamamaril sa biktimang si Stella Sky Lim sa Barangay 393.
Lumutang ang isang testigo sa pulisya at itinuro ang suspek kaya dinakip ito ng mga awtoridad.
Tumangging magbigay ng kaniyang panig ang suspek.
Isa ring confidential informant ang nagturo sa maaaring pinagtataguan ng riding-in-tandem na pumaslang kay Lim.
“Noong inakyat natin ang bahay hindi na natin inabutan ang suspek pero na-recover ang motorsiklo na ginamit at saka ‘yung mga helmet na ginamit nu’ng rider at saka ng gunman,” sabi ni Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, District Director ng MPD.
Tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng gunman, habang patuloy ang paggulong ng follow-up operation para madakip ito at ang kasama niya.
Pauwi na noon si Lim nang dalawang beses na barilin ng mga salarin habang naglalakad sa gilid ng kalsada. Nakaligtas naman ang kaniyang anak.
Nauna nang iniulat na pulitika ang isa sa mga motibo na tinitingnan sa nangyaring krimen.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News