Patay ang isang driver ng ambulansiya matapos siyang malapitang pagbabarilin ng dalawang salarin na tumakas sakay ng motorsiklo sa Taguig. Ang mga suspek, napatay din sa mga pulis na aaresto sa kanila.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News 24 Oras nitong Martes, makikita sa CCTV footage na naglalakad ang biktimang si Bayani Quizon, nang lapitan siya mula sa likuran ng isa sa mga salarin at malapitan siyang pinagbabaril sa Barangay San Miguel.
Matapos ang pamamaril, sumakay ang salarin sa naghihintay na kasabwat na may motorsiklo at tumakas.
Ayon kay Taguig police chief Colonel Christopher Olazo, tiniyak ng mga salarin na mapapatay nila ang biktima kaya pinaputukan pa si Quizon kahit nakatumba na.
“Kaya nga nung nangyari ang insidente, on the spot po patay yung ating biktima. Sinigurado ng suspect na patay s’ya pag iiwanan,” sabi ni Olazo.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulis na may kaugnayan sa utang sa ilegal na droga ang krimen.
“Ang pagkakautang ay iligal na droga at isang taon na po itong naniningil at may pagbabanta na rin sa buhay n’ya,” sabi ni Olazo.
Sa tulong ng backtracking sa mga CCTV at mga testigo, natukoy ang kinaroroonan ng mga suspek sa West Bicutan at isinagawa ang operasyon para madakip sila.
Pero nanlaban umano ang mga suspek na nauwi sa kanilang kamatayan.
Isasailalim ng pulisya sa cross-matching ang kalibre .38 at kalibre .45 na baril na nakuha sa mga suspek para alamin kung ginamit din ito sa iba pang krimen.
Napag-alam din na dati nang may kaso ang dalawang suspek.
Ikinagulat naman ng pamilya ni Quizon ang nangyari sa kaniya dahil hindi nila alam na mayroon siyang kaaway.--FRJ, GMA Integrated News