Nahuli-cam ang pagkakabunggo ng isang sasakyang MPV sa likod ng isang tricycle sa Antipolo City. Ang naturang tricycle, nawalan ng kontrol at bumangga sa nakasalubong na isa pang tricycle na nasa kabilang bahagi ng kalsada.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Manuel L. Extension sa Barangay Dalig noong April 2.
Sa dashcam video ng isang sasakyan na nakahuli-cam sa insidente, makikita na nahagip ng isang MPV sa likod ang sinusundan niyang tricycle.
Nawalan ng kontrol ang driver sa naturang tricycle na dahil para mapunta siya sa kabilang bahagi ng kalsada at doon naman niya nabangga ang nakasalubong na tricycle din.
Tumigilid ang tricycle na nabangga ng MPV at nalaglag ang ibang pasahero.
Ayon sa nakasaksing driver, kumabig ang driver ng MPV kaya nabangga niya ng sinusundang tricycle.
May nakita rin umano siyang mga bata na sakay ng tricycle sa loob.
"Yung isa po [na sakay ng tricycle] ay duguan, tapos may nakadagan pa sa kaniyang isa pang tao din kaya hindi po sila makagalaw. Tapos yung driver naman po ng tricycle na binangga ng sasakyan, nakabangon naman siya agad although may injury lang siyang tinamo," ayon sa saksi.
May traffic enforcer daw na dumating sa lugar at tumawag ng ambulansiya na nagdala sa mga biktima sa ospital.
Ayon sa Antipolo police station, walo ang nakasakay sa dalawang tricycle, at tatlo sa mga ito ang menor de edad.
Huminto naman daw ang 23-anyos na driver ng MPV, at nakipag-ayos sa mga biktima, ayon sa pulisya.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang driver na sinagot umano ang pagpapagamot sa mga biktima at pagpapagawa ng mga tricycle. -- FRJ, GMA Integrated News