Isang motorcycle rider ang idiniretso ang kaniyang motorsiklo sa Taal Basilica sa Batangas, saka umupo sa upuan ng pari at pumalakpak. Ang lalaki, hindi raw pinagsisisihan ang ginawa.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang pagpasok ng nakamotorsiklong 23-anyos na lalaki sa loob ng simbahan.
May angkas siyang babae, na naglakad palayo pagkatigil ng motor sa harap ng altar.
Umakyat naman ang rider sa harap, binuksan ang harang ng altar at umupo sa upuan ng pari.
Pumalakpak pa ang rider at itinaas ang isa niyang paa.
Batay sa pulisya, naganap ang insidente bago magtanghali ng Martes.
Dinala ang rider sa Taal Municipal Police Station, na tila hindi makausap nang matino.
Ngunit kalaunan, umamin ang lalaki na gumagamit siya ng marijuana na nabibili niya online.
Nahaharap ang lalaki sa reklamong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o offending the religious feelings.
Sinisikap pang kunan ng panig ng GMA Integrated News ang pamunuan ng Taal Basilica.
Sa panayam sa lalaki, sinabi niyang hindi siya nagsisisi sa kaniyang ginawa.
Sa panayam ng Balitanghali kay Police Captain Rommel Magno, officer in charge ng Taal Municipal Police Station, sinabi niyang paiba-iba ng sagot ang lalaki kaya hindi pa matukoy ang dahilan kung bakit niya ipinasok ang kaniyang motor sa loob ng basilica.
"Malayo po ang sagot niya sa mga tanong kaya hindi pa natin makausap nang maayos," sabi ni Magno.
Ayon sa kaniya, ang pamunuan ng simbahan ang maghahain ng reklamo bilang complainant.
Samantala, binisita na ng ilang kaanak ang lalaki sa presinto.
"Sa salita po ng ama ay hindi niya alam na gumagamit ng droga 'yung kaniyang anak, sapagkat sinabi niya po sa amin na wala siyang nakikitang bisyo. 'Yung bata, galing nga raw sa trabaho," sabi ni Magno.
"Pero 'yung kaniyang girlfriend, ang sabi po ay kakaiba nga ang ikinikilos kasi hindi naman nagmamano sa kaniyang tatay. Noong araw na iyon ay bigla na lang nagmano," pagpapatuloy ni Magno.
"Siguro po ay baka nakagamit ng droga at hindi po natin masabi ngayon hangga't hindi pa tapos ang imbestigasyon," ayon pa sa pulis.
Ire-request pa ng pulisya sa Crime Laboratory ang drug test para sa lalaki.
Wala namang ibang record sa barangay at police station ang lalaki, at ito umano ang unang pagkakataon na nakagawa siya ng paglabag sa batas.
Hindi naman magkaka-asunto ang kasamahan niyang babae.
"Hindi naman niya kagustuhan na pumunta roon, nagdire-diretso lang ang motor," sabi ni Magno.
May deployment plan na nakalaan ang pulisya para sa Basilica, Caysasay, at iba pang areas of convergence para sa pagdagsa ng mga deboto sa Semana Santa.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News