Patay ang hindi bababa sa 66 katao, kabilang ang isang gobernador, isang sikat na singer, at mga dating manlalaro ng Major League Baseball (MLB), matapos gumuho ang bubong ng isang nightclub sa kapitolyo ng Dominican Republic.

Kasama rin sa mga nasawi ang kilalang dating MLB pitcher na si Octavio Dotel, ayon sa mga awtoridad nitong Martes.

Humigit-kumulang 155 katao naman sugatan habang sinusubukan pa ng mga emergency crew na hukayin ang mga nakaligtas mula sa pagguho ng Jet Set nightclub.

Nagtipon-tipon naman sa lugar ang mga pamilya ng mga biktima para hanapin din ang kanilang mga mahal sa buhay.

Nadagdagan ang emergency crew habang "more heavy equipment has been used to speed up the removal of debris and continue the search efforts," ayon sa presidential spokesperson na si Homero Figueroa.

Naunang sinabi ni Juan Manuel Mendez, pinuno ng emergency operations center ng Dominican Republic, na nanatiling hindi tiyak ang eksaktong bilang ng mga tao sa loob ng club nang maganap ang pagbagsak ng bubong.

Naganap ang sakuna sa gitna ng concert ng sikat na Dominican singer na si Rubby Perez, na kabilang din sa mga namatay, ayon sa kaniyang manager at mga miyembro ng pamilya malapit sa site.

Dinaluhan ng mga pulitiko, atleta at iba pang mga kilalang tao ang event.

Kasama pa sa mga biktima si Nelsy Cruz, gobernador ng hilagang lalawigan ng Monte Cristi, sabi ni Pangulong Luis Abinader. Si Cruz ay kapatid ng dating manlalaro ng baseball na si Nelson Cruz, na seven-time Major League Baseball All-Star.

Nasawi rin ang mga dating manlalaro ng MLB na sina Octavio Dotel at Tony Blanco, base sa pagkumpirma ng mga lokal na awtoridad. Namatay si Dotel habang papunta sa isang lokal na ospital matapos hilahin mula sa debris, sabi ng spokesman para sa sports ministry ng bansa.

Nag-debut si Dotel, 51, para sa New York Mets noong 1999 at naglaro hanggang 2013 para sa higit na isang dosenang mga koponan, kabilang ang Houston Astros, Oakland A's, New York Yankees, Chicago White Sox at Detroit Tigers.

"Thinking about our people in the Dominican Republic," sabi ni Carlos Mendoza, manager ng the Mets, sa isang punong balitaan. "We have a lot of the Dominican community in the baseball world."

Patuloy pa ang imbestigasyon tungkol sa sanhi ng pagbagsak ng bubong, ayon sa mga opisyal. -- may ulat mula sa Reuters/Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News