Aminado si Toni Fowler na hindi maayos ang relasyon niya sa kaniyang ina dahil sa itinakda niyang boundaries tungkol sa pakikipag-ugnayan ng kaniyang niya pagdating sa kaniyang mga anak.

Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, tinanong ng King of Talk si Toni tungkol sa relasyon niya sa kaniyang ina.

"Ang mother ko, nag-usap kami, pagkatapos naming mag-usap, hindi niya ako gustong mapakinggang nang buo. So ang nangyari, nag-sorry ako sa kaniya pero hanggang dun na lang ako," saad ng social media sensation.

"Ang gusto ko kasi magkaroon kami ng boundaries pagdating sa anak ko. So, sa nakikita ko, hindi, hindi niya gagawin. Hindi porket kasi lola ka, puwede kang, 'Ay ito desisyon ko. Ah ito ang sasabihin ko.' Hindi puwede ganun,” paliwanag niya.

Ayon kay Toni, nais niyang tutukan ngayon ang pagiging ina kaysa sa pagiging anak. Mayroon siyang dalawang anak na sina Tyronia at Tyrone.

“Para sa akin kasi, kung hindi maayos ang relasyon namin bilang mag-ina, ayoko masira 'yung akin, sa anak ko. Kailangan maintindihan ng mommy ko na hindi ko kakalimutan maging anak, pero bilang magulang na ako ngayon, ang priority ko, mas piliin [ko na] maging magulang kaysa maging anak muna,” sabi pa ni Toni.

Patuloy pa niya, hindi pupuwede sa kaniya na may magsasabi sa kaniyang mga anak na hindi niya mahal ang mga ito lalo na kung sa kanilang lola [o nanay niya] manggagaling.

"Uunahin kong maging magulang. Hindi puwede makakarinig ang anak ko na hindi ka mahal ng mommy mo. Nanggagaling pa sa lola nang dahil lang sa hindi pagkakaunawaan. 'Yon ang hindi pupuwede,” giit niya.

Tinanong din ni Tito Boy si Toni kung ano ang mga gagayahin at hindi niya gagayahin sa kaniyang ina.

“Yung hindi ko gagayahin sa mommy ko siguro sa tingin ko 'yung hindi ako nakikinig sa anak ko at hindi ako nagso-sorry. Kasi ako, nagso-sorry ako sa anak ko," paliwanag niya.

Samantalang gagayahin naman daw niya ang pagiging masipag at matatag ng kaniyang ina para buhayin ang kaniyang mga anak financialy.

“Ganun ang mommy ko, siya lang, single mom. Matapang ang mommy ko,” ayon kay Toni. -- FRJ, GMA Integrated News