Iginiit ni Pasig City congressional candidate Atty. Christian Sia nitong Miyerkoles na wala siyang nilalabag na batas at hindi dini-discriminate ang mga babae sa ginawa niyang pagbibiro tungkol sa mga single mom sa isa niyang kampanya.
Sa kaniyang sagot sa show cause order (SCO) na inilabas ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Sia na ang kaniyang naging pahayag sa naturang kampanya, "were not made to discriminate, exclude, restrict, demean or harass female solo parents.”
"While the words may sound brash, my speech, in its entirety, fall within my freedom of speech,” giit ni Sia.
Naglabas ng SCO ang Comelec laban kay Sia dahil sa mga puna sa social media bunga ng pagbibiro nito na puwedeng sumiping sa kaniya ng isang beses sa isang taon ang mga single mother na nalulungkot at may buwanang dalaw pa.
Pinagpapaliwanag ng Comelec si Sia kung bakit hindi siya dapat patawan ng election offense o disqualification dahil sa posibleng paglabag niya sa Comelec Resolution No. 1116, tungkol sa anti-discrimination at fair campaigning guidelines para sa 2025 national and local elections (NLE).
Gayunman, kinuwestiyon ni Sia ang constitutionality ng Resolution No. 1116.
“Resolution No. 11116 suffers from constitutional infirmity. Resolution No. 11116 was promulgated pursuant to Section 13 of Republic Act No. 9006. However, Section 13 of Republic Act No. 9006 provides that rules and regulations issued pursuant thereto must be for the implementation of said law, which is in relation to equal time and opportunity in relation to the posting of election propaganda," paliwanag ni Sia.
“Even assuming without conceding that Resolution No. 11116 is valid, I did not violate the same when I uttered the statements on or about 03 April 2025," patuloy niya.
Bukod sa Comelec, may SCO din si Sia na mula sa Supreme Court dahil din sa kaniyang pahayag sa single moms.
May ikalawa pa siyang SCO mula sa Comelec dahil sa isa pa nitong pahayag tungkol sa pangangatawan ng kaniyang empleyado.
Makakalaban ni Sia sa posisyon bilang kongresista sa naturang distrito sa Pasig si Roman Romulo.
Maaaring makita ang listahan ng mga kandidato sa hanggang sa posisyon ng konsehal at bokal, at puwedeng mag-ensayo sa pagboto sa pamamagitan ng "My Kodigo" ng GMA News Online.
Piliin lamang ang lalawigan na inyong kinaroronan, piliin ang inyong lungsod o bayan, pagkatapos ay ang inyong distrito. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News