Ang dapat sanang komprontasyon nina Madonna at Sir Elton John, nauwi sa pagbabati nang ang isa sa kanila ang nagbitiw kaagad ng salitang "forgive me."

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, inihayag ni Madonna sa kaniyang social media post ang nangyaring pagbabati nila ni Elton sa backstage ng TV show na Saturday Night Live (SNL).

Sa naturang post, binalikan muna ni Madonna ang mga hindi niya malilimutang pagtatanghal noon ni Elton na nakatulong daw sa kaniya para maunawaan ang transformative power of music.

Dahil din sa panonood niya kay Elton, natutunan niyang na ok lang na maging kakaiba kaya naging idolo niya ito.

Pero nasaktan daw Madonna sa naging negatibong komento noon ni Elton tungkol sa kaniya sa harap ng publiko.

"Over the decades it hurt me to know that someone I admired so much shared his dislike of me publicly as an artist. I didn't understand it," saad ni Madonna.

Nang malaman daw niyang guest si Elton sa SNL, nagpasya siyang magpunta para makita ang mang-aawit at komprontahin.

Pero nang magpunta na siya sa backstage at makita si Elton, "When I met him, the first thing out of his mouth was 'forgive me.' And the wall between us fell down."

Sabi pa ni Madonna, "forgiveness is a powerful tool. Within minute we were hugging."

Ayon pa kay Madonna, sinabi sa kaniya ni Elton na may ginawa itong kanta para sa kaniya at nais nito na mag-collaborate sila.

"It was like everything came full circle. And you can tell everybody, 'This is your song," dagdag niya sa post.

Iniulat ng People Magazine na nag-ugat ang tampuhan ng dalawa dahil sa pahayag ni Elton na hindi niya nagustuhan ang kanta ni Madonna na "Die Another Day," na gimait sa isang "James Bond" movie. -- FRJ, GMA Integrated News