Ikinasal na si Claudia Barretto sa nobyo nito na si Basti Lorenzo. Si Claudia ay anak nina Marjorie Barretto at Dennis Padilla.

Sa Instagram Story ni Jian Miguel Bautista, makikita na suot ni Claudia ang simpleng off-shoulder white wedding gown, habang classic Barong Tagalog naman ang suot ni Basti.

Sa iba pang video at larawan ng kasal, makikitang dumalo ang buong pamilya ni Claudia-- kabilang ang kaniyang mga magulang at mga kapatid na sina Dani, Julia, Leon, Erich, at bayaw na si Xavi Panlilio.

Nandoon din sina Richard Gomez at Lucy Torres-Gomez.

Ginanap ang reception sa Lakehall sa Nena’s Sanctuary sa Santa Rosa, Laguna.

Ayon sa PEP.ph, ipinagdiwang ngayong taon ng dalawa ang kanilang 10th year anniversary bilang magkasintahan.

Si Basti ay anak ni Martin Ignacio Lorenzo, na dating may-ari ng Pancake House at dating nagpapatakbo sa Del Monte Philippines, batay sa nakasaad sa Esquire. Mayroon siyang mga negosyo sa food and real-estate.

Sa isang panayam noong 2016 ni Boy Abunda, sinabi ni Claudia na “super normal” ang relasyon nila ni Basti.

“We go on dates, we hang out at each other's houses,” saad ni Claudia.

Bukas din umano siyang ikuwento sa kaniyang ina na si Marjorie ang tungkol sa relasyon nila ni Basti.

"Every stage. Like when he first started asking me out, when I started liking him, I was very vocal about it, and I told my mom everything," dagdag niya.— mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News