Timbog ang isang lalaki matapos niyang hipuan umano ang menor de edad na tagabantay ng kaniyang anak sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ang kapitbahay na biktima ang nagbabantay sa bahay ng suspek kapag pumapasok sila ng kaniyang asawa sa trabaho.

Ito rin ang babysitter ng kanilang anak.

Hunyo naganap ang panghihipo umano ng suspek sa biktima, ayon sa pulisya.

"Itong suspek, 'yung anak niya itinabi niya sa gilid at pinatabi niya naman sa tabi niya 'yung biktima. Pinapatay 'yung ilaw at tinabihan siya. Doon na sinimulan 'yung malaswang ginawa sa kaniya," sabi ni Police Captain Michael Oxina, Chief ng Valenzuela City Police Detective Management Unit.

Tinakot pa ng suspek ang biktima at sinabihan itong huwag magsusumbong.

Ngunit nagsumbong ang biktima sa kaniyang ate kinabukasan, at sinamahan siyang mag-report sa mga awtoridad.

Dinakip nitong Miyerkoles ang lalaki matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa kaniya.

Pero ayon sa lalaki, tila binaligtad lamang siya.

"Iba na ang kuwento eh, maniwala kayo o hindi sa ginawa niya sa akin, hinubad niya 'yung damit niya.

Inosente ako, wala akong ginagawa sa kaniya. Alam ng Diyos 'yan, Siya ang nakakaalam, kaya kampante ako. Kahit makulong ako, okay lang, malinis ang konsensiya ko eh," sabi ng suspek.

Sinabi ng pulisya na nagpaabot na sila ng psychological assistance sa biktima.

Nahaharap sa reklamong sexual assault ang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News