Timbog ang isang construction worker matapos niyang saksakin ang kaniyang kapitbahay nang mapikon siya sa biro nito sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing galing sa trabaho at pauwi na sa kaniyang bahay sa Barangay Old Balara ang suspek nang agad siyang posasan ng mga operatiba ng Batasan Police Station.

Subject ng warrant of arrest ang 44-anyos na lalaki para sa kasong attempted murder.

Inilahad ng pulisya na Oktubre 2022 nang saksakin ng suspek ang kaniyang kapitbahay na isang taxi driver. Nagtamo ng dalawang saksak ang biktima.

Ugat ng krimen umano ang biruan na nauwi sa pikunan.

Ikasiyam sa most wanted persons list ng pulisya ang lalaki, at dati na ring kinasuhan ng illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Umamin ang suspek sa krimen.

"Totoo 'yung sinasabi nilang sinaksak ko 'yung taong 'yun. Nagbibiruan kami, nauwi sa pikunan kaya umabot po sa ganu'n sir. Dala po na tungkol sa asawa na hindi na raw uuwi 'yun. Maghahanap na lang daw ako ng iba. Ayun po 'yun. Napikon ako sa kaniya," sabi ng suspek. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News