Nasawi ang isang motorcycle rider matapos ilang beses na pagbabarilin ng nakaaway niya umano sa sugal sa Bagong Barrio, Caloocan City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa CCTV ang pagpasok ng isang mag-live in partner na sakay ng motorsiklo sa General Tirona Street mag-9 ng gabi. ng Lunes.

Pagkarating nila sa gitnang bahagi ng kalye, isang lalaki ang bigla na lang pinagbabaril ang motorcycle rider, at ilang beses pa itong pinaputukan kahit nakatumba na.

Napatakbo naman ang kinakasama ng biktima.

Matapos ang pamamaril, itinayo ng gunman ang natumbang motorsiklo ng rider, sinakyan ito, saka tumakas paliko ng M. De Castro Street.

Makikita sa isa pang anggulo ng CCTV ang pagsulpot ng lalaking namaril mula sa isang bahay at tumakbo papalapit sa rider.

Kinilala ang biktima na si John Mark Robedillo na dead on the spot.

Ayon sa kaniyang kinakasama, magde-deliver lang sila ni John Mark ng mango graham sa lugar.

“Nag-order po, pangalan lang ‘Boss.’ Tapos nag-deliver kami, hindi ko alam na may pumutok na baril. Gumanu’n sa tenga ko. Tapos akala ko paputok lang. Tapos nakita ko ‘yung asawa ko nakahiga na,” saad ng live-in partner ng biktima.

Nakita at namukhaan ng babae ang gunman. Nakaalitan umano ng biktima ang gunman sa isang lamay noong Miyerkoles kaya inireklamo nila sa barangay.

“‘Yung nakaaway niya sa sugal. Binugbog niya ‘yung asawa ko. Talo siya, kinuha niya ‘yung pera ng asawa ko. Kilala lahat ng tao roon kung sino siya. Naglalakad lang siya, hindi namin napansin na nandu’n siya,” saad ng babae.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Caloocan Police sa insidente.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News