Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ng kampo ng nagtatagong si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, na ibasura ang kasong pagpatay na isinampa laban sa kaniya ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa apat na pahinang resolusyon ng second division ng CA, ibinasura nito ang petition for certiorari ng kampo ni Bantag. Kaugnay ito sa pasya ng Las Piñas City Regional Trial Court Branch 254 noong November 2023 na nagbasura din sa motion to quash information at warrant of arrest, pati na ang pagbasura sa kaniyang motion for reconsideration.
Ipinaliwanag ng CA na batay sa desisyon ng Supreme Court (SC) na, “only the [Office of the Solicitor General] (OSG) may bring or defend actions on behalf of the Republic of the Philippines, or represent the People or State before the SC and the CA.”
Nakasaad din na batay sa manual for prosecutors, lahat ng kahilingan sa paghahain para sa petition for certiorari ay dapat ipadaan sa Office of the Prosecutor General "for evaluation and approval prior to the endorsement to the OSG."
“The said procedure along with the non-conformity of the OSG on the filing of instant petition for certiorari calls for the outright dismissal of the petition,” ayon sa CA.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang reaksyon ng kampo ni Bantag sa naging pasya ng CA.
Samantala, tinawag ni Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na si Percy Lapid, na “merely a delaying tactic” ang naturang petisyon ng kampo ni Bantag.
“We learned that the CA has finally dismissed Gerald Bantag's motion to nullify the case filed by the DOJ against him in the Las Piñas Regional Trial Court. In short, the motion was merely a delaying tactic,” saad ni Mabasa sa post sa X, dating Twitter.
Oktubre 2022 nang barilin at mapatay habang nasa sasakyan sa Las Piñas City si Percy Lapid, o Percival Mabasa.
Marso 2023 nang isampa ng DOJ ang kasong pagpatay laban kay Bantag at kaniyang dating deputy security officer na si Ricardo Zulueta.
Mula nang lumabas ang arrest warrant noong Abril 2022, nagtago na sina Bantag at Zulueta. Pero nitong nakaraang Marso, pumanaw si Zulueta dahil sa karamdaman.
Naglaan ang DOJ ng P2 milyon pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Bantag. --mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News