Dahil itinuturing "flight risk," isinailalim ng korte sa Dili, Timor Leste si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa house arrest habang dinidinig ang kaniyang extradition case.
Batay sa mga impormasyon na inilabas ng Timor-Leste media agency na Hatutan.com, inihayag ng Court of Appeals (CA) na dumating sa kanilang bansa si Teves sakay ng private plane noong Abril 2023.
Nakatira umano ang pinatalsik na kongresista sa isang bahay na may buwanang upa na $10,000 (o mahigit kalahating milyong piso) kasama ang kaniyang asawa at mga anak.
Mayroon din umanong 20 tauhan si Teves na kinabibilangan ng 10 Pilipino at 10 Timorese.
Ayon pa sa korte, nagtatrabaho si Teves bilang partner ng isang construction firm, na ang may-ari ay nagbibigay umano ng tulong pinansiyal sa dating mambabatas.
“Given the facts above, it is concluded that the risk of flight persists for the extraditee, especially since he has the financial means to leave Timor-Leste,” saad ng CA.
"I order... the arrested individual below named is to be taken to House Arrest at his residence to await further extradition proceedings," dagdag pa sa desisyon.
Kinatigan naman ng korte ang pagkakadetine kay Teves na naayon umano batay sa inilabas na warrant na galing sa hukom.
Nang hingan ng komento, kinumpirma ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, ang house arrest sa kaniyang kliyente. Pero itinanggi niya na dahil ito sa pagiging flight risk ng dating kongresista.
“After having determined that he is not a flight risk and that he has not violated any laws, he was placed under guard in his residence simply to ensure his attendance in the hearings,” ani Topacio.
Bagaman naka-house arrest, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na “inalisan" pa rin ng korte ng kalayaan si Teves.
“Regardless of whether he is in custody, rearrested, or house arrest, he is under the control of the police authorities,” giit ni Vasquez.
Nais ng Pilipinas na pauwiin sa bansa si Teves dahil sa kinakaharap nitong multiple murder cases, kabilang ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 4, 2023.
Nauna nang itinanggi ng dating kongresista ang mga paratang laban sa kaniya.
Noong Pebrero, inaresto si Teves sa Dili, Timor Leste habang naglalaro ng golf dahil nakatimbre na siya sa INTERPOL red notice.
Dahil naman sa hindi na nagagampanan ni Teves ang kaniyang trabaho bilang kongresista, naglabas ng desisyon ang House Ethics Committee na inaprubahan ng mga mambabatas na sibakin na siya bilang miyembro ng Kamara de Representantes noong Agosto 2023.--mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News