Binabawi na umano ng babae ang kaniyang post kung saan ikinuwento niya ang pangha-harass at pagtangay ng sinakyan niyang motorcycle taxi rider sa kaniyang bag na may pera at mga ID. Ang babae, posibleng maharap sa mga reklamo.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GM News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagsagawa ng imbestigasyon ang Pasay Police kung saan humingi ng tulong ang babae na unang nagpakilala na BPO employee.
Pero matapos magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at balikan ang mga lugar kung saan sinasabi ng babae na nangyari ang panghoholdap sa kaniya, wala umanong makitang katibayan ang pulisya na nagpapatunay sa kuwento nito.
“Binalikan natin yung lugar na pinangyarihan, ayon sa kanyang sinasabi. So tiningnan namin kung meron ngang captured sa CCTV. Wala talaga tayong naano doon during the backtracking,” ayon kay Pasay City Police chief Police Colonel Samuel Pabonita.
“Kumuha kami nung record, booking record ng [motorcycle] taxi. Nakita nga namin meron ngang booking from Cubao to McKinley Exchange. Then, after 8 minutes, ang ating motor taxi nagbo-booking ng panibagong booking naman, from Glorietta to Mandaluyong. So, it proves na yung babae, hindi naman ibinaba sa Pasay,” dagdag niya.
Ayon kay Pabonita, hindi pa bumabalik sa kanilang himpilan ang babae para linawin ang mga pangyayari.
Pero sa panayam umano ni Senador Raffy Tulfo, inamin umano ng babae na gawa-gawa lang niya ang paratang laban sa motor taxi rider dahil hindi niya nagustuhan ang ilang sinabi nito.
Una rito, inakusahan ng babae ang motor taxi rider na tinangay ang kaniyang bag na naglalaman ng P4,000, mga ID at debit card, bago siya ibinaba sa isang madilim na lugar sa Pasay City.
Sinabi ni Pabonita na maaari nilang kasuhan ng perjury ang babae dahil sa pagbibigay ng maling testimonya sa kaniyang sinumpaang salaysay. Habang ang rider ng motor taxi, puwede ring magsampa ng reklamo laban sa babae pero dapat niya itong gawin sa Quezon City o sa Taguig kung saan niya naisakay at naibaba talaga ang babae.
“Pwede namin kasuhan ng babae nito na perjury kasi she’s giving a false statement… Napatunayan natin ang pangyari hindi sa Pasay Area. Puwede pumunta yung ating motor taxi driver doon, siguro it's either sa area ng Quezon City or dito sa area na ng Taguig,” payo ni Pabonita.
Sinabi naman ni PNP Anti-Cybercrime Group Cyber Response Unit Chief Police Colonel Jay Guillermo, na maaari ding makasuhan ng cyberlibel ang babae dahil sa ipinost na maling paratang laban sa rider sa social media.
“Ang importante di siya mawala [yung post] sa online or may screengrab niya o mairecord niya na meron ganito, pwede gamitin yun. Kailangan may ebidensya ka, umaabot [ang validity] yan ng 6 years to 12 years pagka napatunayan 'yan ng korte,” ani Guillermo.
Inihayag naman ng motor taxi company ng rider na ibinalik na sa trabaho ang rider at tutulungan na mabawi ang nawalang kita matapos suspindehin.--FRJ, GMA Integrated News