Naitala ang tatlong sunod-sunod na aksidente na kinasangkutan ng ilang motorsiklo sa Lacson Avenue sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing sugatan ang isang rider na nakahinto sa traffic light matapos siyang salpukin ng isang nagdire-diretsong SUV.
Sa CCTV footage, makikita na tumigil ang motorsiklo sa red signal ng traffic light sa Lacson Avenue, sa kanto ng Loyola Street dakong 1 a.m. nitong Martes.
Makaraan ang ilang saglit, isang SUV ang dumire-diretso mula sa likuran at bumangga ito sa isang motorsiklo na dahilan para tumilapon ang rider.
Ayon sa tanod ng Barangay 461 na si Dolores Galvez, nagtamo ng sugat sa tuhod at kaunting galos ang rider.
Idinahilan ng driver ng SUV na nag-go signal na umano ang traffic light noong paparating na siya, at hindi niya nakita na hindi pa nakaka-abante ang mga sasakyan sa harapan niya.
Nagkaareglo na ang dalawang panig.
Pagsapit ng 2:30 a.m. sa stoplight ng Lacson Avenue pa rin sa kanto naman ng Fajardo Street, bumangga ang isang motorsiklo sa nakatigil na L300 van.
Sa lakas ng pagkakabangga, nasira ang motorsiklo at bumagsak sa semento ang rider na napag-alaman na nakainom.
Inakala umano ng driver ng van na patay na ang rider dahil hindi ito magising at hindi gumagalaw, ayon sa mga awtoridad.
Nagkamalay ang rider matapos pagkarating ng ambulansiya 10 minuto mula nang mangyari ang aksidente.
Nagpapagaling sa ospital ang rider, na nagtamo ng mga sugat sa ulo.
Hindi pa nakalilipas ang kalahating oras matapos ang naturang aksidente, sa Lacson Avenue pa rin sa kanto ng Loyola Street ulit, isang motorsiklo na may angkas naman ang bumangga naman sa isang grupo ng mga tumatawid na kabataan.
Nahagip ng rider ang isa sa mga tumatawid at nahulog mula sa motorsiklo ang rider at angkas nito.
Nagulungan sa paa at nagkagalos sa siko ang nasapul na menor de edad, habang nagkagasgas sa braso ang rider at kaniyang angkas.
Nangako ang rider na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng biktima.--Jamil Santos/VBL/FRJ, GMA Integrated News