Isang lalaki ang nasawi matapos siyang saksakin habang nakaupo sa may bangketa sa northbound lane ng EDSA sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente pasado 10:30 p.m. ng Martes.
Nakaupo sa bangketa noon ang lalaki nang lapitan siya ng isa pang lalaki na nakasuot ng stripes na T-shirt at may backpack sa harapan.
Inalis ng lalaking naka-stripes ang bitbit niyang bag, at bigla na lamang sinaksak ang lalaking nakaupo.
Nagpupumiglas pa ang lalaking nakaupo ngunit muli siyang inundayan ng saksak.
Napatakbo ang biktima, samantalang lumayo ang salarin sa lugar na hawak sa kanang kamay ang patalim.
Mapapanood sa isa pang anggulo ng CCTV ang pagtakbo ng biktima, hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak.
Halos 10 metro ang layo ng kaniyang binagsakan mula sa lugar kung saan siya sinaksak.
Namatay ang lalaki matapos magtamo ng dalawang saksak sa dibdib.
Walang nakuhang pagkakakilanlan sa lalaki, na edad 30 hanggang 35-anyos at may taas na 5’5, batay sa pagtataya ng mga awtoridad.
Kilala lamang sa lugar ang lalaki sa alyas na “Bahala.”
Ayon sa katabi ng biktima, patulog na sila noon sa bangketa nang mangyari ang krimen.
Bago nito, narinig niyang may nakasagutan ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD – CIDU sa motibo sa krimen, at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng nakatakas na salarin. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News