Posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, kasama ang gasolina.
Nitong Biyernes, sinabi ni Director III Rodela Romero, ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), na ang rollback ay base sa galaw ng kalakalan sa merkado nitong nakalipas na apat araw.
Ang presyo ng gasolina, posible umanong mabawasan ng P0.20 hanggang P0.45 bawat litro, P0.40 to P0.60/L naman sa diesel, at P0.70 to P0.90/L sa kerosene.
Maaari pa umanong magbago ang naturang halaga depende sa resulta ng huling araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ngayong Biyernes, ayon kay Romero.
“Oil prices settled lower due to easing fears of an Iran-Israel escalation after Tehran said it would not seeks to retaliate to Israel strike last week,” ani Romero.
“Added on the said relief on the oil markets are the uncertainty in the demand outlook and the continuous increase in the inventory of crude of the US,” dagdag niya.
Sa nakalipas na ilang linggo, nagkaroon ng pagbaba sa presyo ng diesel at kerosene, pero tumaas ang gasolina.-- FRJ, GMA Integrated News