Sinabi ni Surigao del Norte 2nd District Representative Robert “Ace” Barbers na walang masama na pagdudahan ang pagdami ng Chinese students sa Cagayan kung nakataya ang pambansang seguridad ng Pilipinas.
“Bakit ba lahat sila nandidiyan sa Cagayan kung saan malapit yung EDCA site? Bakit ganon karami ang nag-e-enroll diyan? ‘Di ba ‘pag gusto mong mag-master’s (degree), kukuha ka ng mga unibersidad na malalaki sa ibang bansa?” sabi ni Barbers sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo.
Mayroong dalawang EDCA sites o Enhanced Defense Cooperation Arrangement sa Cagayan [Naval Base Camilo Osias, Santa Ana, at Lal-lo Airport], na nakaharap sa Taiwan at South China Sea.
Katuwang ng Pilipinas sa EDCA ang Amerika.
Ayon sa kongresista, puwedeng maging espisa o sleeper cells ang mga Chinese student para mangalap ng impormasyon tungkol sa EDCA.
“Ganon ba karami talaga ‘yung interesadong mag-master’s from China? Hindi nga marunong magsalita ng Ingles, pero nakakakuha ng masteral degree,” tanong ni Barbers.
Inaalam din ng kongresista ang katotohanan sa nakalap niyang impormasyon na marami ring Chinese students sa mga unibersidad na malapit sa Subic.
May mga Chinese din umano na nakabili ng mga lupa, at nakakuha ng mga Philippine document gaya ng national IDs, pasaporte at lisensya para makakuha ng armas.
Ayon kay Barbers, kamakailan lang ay may mga armas na nakuha sa Chinese nationals sa isang residential subdivision sa Taguig City.
“Ito ba ay karugtong nu'ng pagdami din ng mga estudyante sa Cagayan? Ito ba ay karugtong din ng mga lupa na binili ng China man na malapit sa ating airport, malapit sa ating seaport?” tanong ng mambabatas.
“Maaring ‘yung iba diyan ay talagang spy or sleeper cells or ika nga ‘yung nagga-gather lang ng info,” dagdag niya.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang komento ni Cagayan Governor Manuel Mamba kaugnay rito. Pero dati na niyang sinabi na hindi banta sa seguridad ng bansa ang mga estudyanteng Tsino.
"I was also asked for several interviews already about the security presence of the foreigners here. I said, as far as I am concerned, I do not see any threat, but that is not for me to say because we have security agencies," ani Mamba.
Sinabi rin ni Senador Ana Theresia “Risa” Hontiveros na maghahain siya ng resoluyson para imbestigahan ang pagdagsa ng mga Chinese student na posible umanong isa namang uri ng “pastillas scam.”
“Visa Upon Arrival (VUA) and other immigration processes have been abused in the past, as it enabled the unchecked entry of Chinese nationals working for POGOs (Philippine Offshore Gaming Operators),” anang senadora.
“Our hearings on the pastillas scam led to the suspension of the VUA system at that time. The same might apply in this alarming new development,” dagdag niya.
Nitong Sabado, nagpahayag ng pagkadismaya ang alkalde ng Tuguegarao City sa tinawag niyang "racist and politicized" issue sa pagdami ng Chinese students sa lalawigan nila.
Ang Chinese Embassy sa Pilipinas, nauna nang tinawag na malisyoso ang akusasyon tungkol sa pagdami ng kanilang mga kababayan na nag-aaral sa Cagayan.—FRJ, GMA Integrated News