Dinakip ang isang caregiver matapos na nakawin umano nito ang mga alahas ng kaniyang namatay na amo na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV State of the Nation nitong Biyernes, sinabing inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa Santa Cruz, Manila ang 45-anyos na suspek.
Kabilang umano sa mga nawala sa pumanaw na amo ang mga gintong bracelet, mga mamahaling relos, mga singsing na may precious gems at kuwintas na may diyamante na nakalagay sa vault.
Napag-alaman ng NBI na may dati nang arrest warrant ang suspek para sa kasong theft and qualified theft.
"May grupo daw sila diumano ng mga yaya at caregiver na pumapasok sa employers pero ang motibo ay pagnakawan ang mga ito sa bandang huli,” ayon kay NBI-NCR Assistant Regional Director Attorney Joel Tovera.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang suspek, pati na ang mga kaanak ng namayapang amo, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News