Nagsalita na ang coach ng dalagitang taekwondo yellow-belter na naospital matapos umanong mabugbog dahil itinapat siya sa sparring sa lalaking black-belter. Nauna nang inihayag ng ina ng dalagita, sadyang ipinagulpi ng coach ang kaniyang anak dahil may gusto siya rito, bagay na itinanggi rin ng coach.

BASAHIN: Babae, mistulang nabugbog sa training ng taekwondo nang ipa-spar umano ng coach sa black belter

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, inilabas ang panayam sa naturang coach mula sa digital news site Arkipelago News.

"Wala akong intensyon na ipabugbog 'yung bata," ayon sa coach. "Expected na pagdating sa taekwondo na matatamaan talaga, masasaktan, mai-injury, matutumba. Lahat 'yon normal, expected 'yun kasi nasa physical sports tayo."

Ipinaliwanag din niya na normal na itinatapat ang babae sa lalaking manlalaro at mas mataas ang belt para mas mahasa ang estudyante sa laban.

"Para mahasa 'yung bata sa depensa, sa bigat ng sipa na pagdating sa tournament, mas nasasanay sila sa speed, sa talino, at sa mga bigat ng sipa ng higher belt o higher weight," sabi ng coach.

Hindi rin umano totoo ang alegasyon na may gusto siya sa dalagita na itinago sa pangalang "Cindy," at nagselos nang magpunta sa kanilang practice ang nobyo nito.

Ayon sa coach, nagalit siya noon sa buong team at hindi lang sa dalagita dahil mayroon ginawa ang team na hindi niya inasahan.

Ipinaliwanag din niya ang sinasabing inaya niya ang dalagita na kumain sa labas o magsimba.

"Pag nag-aaya po ako kumakain, lahat po ini-invite ko. Kumbaga, 'pag alam ko po na may problema 'yung bata, may ganyan, ganito, gusto magkuwento, aayain ko talaga, hindi lang po 'yung yellow belt na 'yan at 'di lang po, babae alam po 'yan ng buong team po," ayon sa coach.

"Isang beses, niyaya ko siya magsimba gawa po nang may naikuwento siya sa akin regarding sa family niya na ganito, ganyan at ako wala ako masabi dahil wala ako sa sitwasyon na 'yon kaya sabi ko na lang sa kaniya na mas okay talaga kung word ni God," paliwanag pa niya.

Ikinalulungkot umano ng coach ang mga alegasyon sa kaniya at hindi niya inasahan ang mga sinasabi ng dalagita.

Pagsusuri ng PTA sa video

Inihayag naman ng isang opisyal ng Philippine Taekwondo Association (PTA) na sinuri nila ang video ng naturang sparring ng dalagita at black belter.

Nakita na rin nila ang kopya ng resulta ng imbestigasyon ng Jesus Is Lord Colleges Foundation sa insidenteng kinasangkutan ng kanilang coach at estudyante.

Ayon kay PTA secretary general Rock Samson, lumilitaw na wala silang nakikitang indikasyon, na batay sa video na sadyang intensyon na saktan ang dalagita.

"Actually, kung titingnan n'yong mabuti 'yung video, hindi naman papunta 'yung sipa sa mukha. It's two body kick, dalawang papunta sa katawan. It just so happened na 'yung second kick, padulas 'yung bata kaya tumama siguro sa mukha, but again sa video na pinapanood ko, 'di ko makita kung papaano tumama sa mukha kasi nakaharang na 'yung supposed to be nagre-referee sa kanila," paliwanag ni Samson.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ni 'Cindy' at ng kaniyang pamilya kaugnay sa mga sinabi ng coach, at resulta ng imbestigasyon.--FRJ, GMA Integrated News