Nabahala ang mga pasahero ng United Airlines matapos nilang makita na nasira ang pakpak ng sinakyan nilang eroplano habang nasa ere sa Amerika.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagmula ang Boeing 757-200 sa Boston at papunta sana sa San Francisco.
Ngunit makalipas lang ang ilang saglit nang mag-take off ito, may napansing kakaiba ang ilang pasahero sa eroplano.
Isa sa mga pasahero ang nag-post online na nasira ang pakpak ng eroplano.
“All of a sudden, I heard this incredible metallic vibration I’ve never heard before. I woke right up and I went, ‘What is that?’” sabi ng pasaherong si Kevin Clarke.
Agad iniulat sa piloto ang insidente, kaya nag-emergency landing sa Denver ang eroplano.
Nasa maayos na lagay naman ang lahat ng 165 na sakay ng eroplano at pinalipat sila ng flight.
“United flight 354 diverted to Denver to address an issue with the slat on the wing of the aircraft. The flight landed safely and we arranged for a different aircraft to take customers to their destination, which arrived in Boston later that night,” saad ng United Airlines sa kanilang pahayag.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Federal Aviation Administration ng Amerika sa insidente.
Matapos ang insidente, nanawagan ang ilang grupo sa mga awtoridad na muling suriin ang manufacturing process ng Boeing, kasama na ang safety practices nito. —VBL, GMA Integrated News