Isang babae ang inaresto sa Las Piñas City dahil umano sa panloloko sa isang online seller gamit ang mga pekeng resibo.
Ayon kay Police Captain Marlon Flores, team leader ng Manila Police District Anti-Cybercrime Team, isang entrapment operation ang ikinasa laban sa suspek na si Alyas Sofia Lim.
Aniya, nag-ugat ang operasyon matapos ireklamo ang suspek ng biktimang si Camille Arcibal, isang online seller sa Maynila na nagbebenta ng mga imported na produkto.
Ayon sa biktima, noong Oktubre pa nila customer ang suspek na hindi nila inakalang scammer pala
“Marami kaming transaction, kunwari ako po yung owner, ako din 'yung nago-online selling. So ngayon 'yung transaction, 'yung payment 'di ko na siya namo-monitor kasi una puro P2,000,” kuwento ng biktima.
Galante rin daw ang suspek at nagpapadala pa ng pang-meryenda sa kaniyang mga admin. Ito raw ang dahilan kaya hindi siya pinaghihinalaan ng mga admin.
Pero nitong Pebrero ay mapansin ni Arcibal na naloloko na pala siya ng suspek. Nalaman daw niyang wala palang perang pumapasok sa kaniyang bank account hanggang sa lumobo na sa mahigit P200,000 ang kaniyang lugi sa negosyo.
Habang ikinakasa ang entrapment operation, nagma-mine pa raw ang suspek
Lumalabas sa imbestigasyon na dati na rin nabiktima si Arcibal ng “fake receipt scam.”
Ayon kay Flores, matagal na ang ganitong klase ng modus simula noong pumutok ang online selling sa bansa
“According sa presented evidence, meron 37 na fake receipt, at yung last nga po, although identified na peke na 'yung mga resibo, itong suspek patuloy pa rin na pinapa-deliver itong nabayaran niya daw na halagang P80,000 sa ating biktima na naging dahilan ng ating pagpaplano ng entrapment operation na nagresulta naman sa pagkakahuli po dito,” ani Flores.
Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa reklamong estafa
Samantala, hindi pa naman nababawi ang mga produktong “na-mine” niya sa biktima na posibleng ibinibenta rin ng suspek. —KBK, GMA Integrated News