Tinawag ni Speaker Martin Romualdez na walang basehan at panglihis lang ng atensyon ang alegasyon ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na nakikipagsabwatan ang pamahalaan ng Pilipinas sa gobyerno ng Amerika para arestuhin siya dahil sa kinakaharap na mga kaso sa ibang bansa.
”We encourage Pastor Quiboloy to address his legal challenges through the proper legal channels and respect the legal processes in place,” ayon kay Romualdez.
Ang pahayag ni Romualdez ay reaksyon sa alegasyon ni Quiboloy na balak siyang sapilitang arestuhin o kahit pa ilikida sa Pilipinas batay sa plano umano ng Amerika.
Ayon sa lider ng Kamara de Representantes, nauunawaan niya ang bigat ng kinakaharap na kaso ni Quiboloy sa ibang bansa, lalo pa't kasama siya sa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
"It is important to clarify that the Philippine government and its officials, including myself and President Ferdinand Marcos, Jr., operate within the bounds of our constitution and laws. The claims of connivance with foreign entities for illicit activities are unfounded and divert attention from the serious legal matters at hand,” sabi ni Romualdez.
Ang kasong kinakaharap ni Quiboloy sa US ay: conspiracy to engage in sex trafficking by force, coercion, and sex trafficking of children, marriage fraud, fraud and misuse of visas, bulk cash smuggling, promotional money laundering, and international promotional money laundering.
“We are committed to upholding the rule of law and ensuring the safety and security of all individuals, without exception. Our focus remains on serving the Filipino people and fostering relationships that benefit our nation, devoid of any engagement in criminal activities,” sabi ni Romualdez.
Hinikayat din ni Romualdez ang publiko na manatiling maingat sa mga natatanggap na impormasyon at magtiwala sa proseso ng batas at demokrasya.
Naglabas ng subpoena si Romualdez laban kay Quiboloy para pilitin itong humarap sa imbestigasyon ng Kamara tungkol sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) na pinaniniwalaang pag-aari niya.
'Wag pa-victim
Samantala, nagbabala si Senador Risa Hontiveros na ipapaaresto niya si Quiboloy kapag hindi humarap sa hiwalay na imbestigasyon na isinasagawa ng kaniyang komite sa Senado kaugnay ng alegasyon na sangkot siya sa umano'y human trafficking, sexual abuse, at iba pang magmamalupit sa mga dating miyembro ng religious group.
"Wag pong pa-victim. Ang hinihingi lang sa inyo ay humarap sa mga legal na proseso, kasama ang proseso ng Senate investigation. Wag niyo pong dalhin sa lenggwahe ng patayan, kahit yan ang nakasanayan niyo," 'sabi ni Hontiveros sa isang pahayag.
"Our next hearing is on March 5 and if Mr. Quiboloy does not show up, I will cite him in contempt and have him arrested," dagdag pa niya kasunod ng hiwalay na subpeona na inilabas ng Senado laban kay Quiboloy.
Nauna nang sinabi ni Quiboloy na hindi siya dadalo sa pagdinig ng Senado pero handa siyang harapin ang anumang kaso sa korte na isasampa laban sa kaniya.
"I will not subject myself to injustices that are done in a cloak of a Senate hearing... I will not subject to any of that, but I will face any of you... I will face you anywhere, anytime in a court of law," sabi ni Quiboloy sa nagdaang niyang pahayag.
"Just do it. If you cannot do that, you are all bogus, you are all false. You don't deserve my respect because you don't respect my personal rights. I will not also respect your office as a senator," dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News