Nasawi sa ibaba ng hood ng isang multi-purpose vehicle o MPV ang isang rider matapos silang magkasalpukan sa Pasig City kaninang umaga.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Amang Rodriguez Avenue habang hindi pa mabigat ang daloy ng trapiko.
Sa kuha ng CCTV camera sa lugar na pinangyarihan ng aksidente, makikita na papaliko ang MPV nang bumangga ang motorsiklo na nasa tamang linya.
Sa lakas ng pagkakabangga, nabasag ang windshield ng MPV, at nawasak din ang unahang bahagi nito, pati ang motorsiklo ng biktima.
"Nagulat itong (biktima) na hindi niya inaasahan siguro na itong (MPV) ay kakaliwa kaya hindi siya nakapag-react makapagpreno," sabi ni Police Major Loreto Tigno ng Pasig City police.
Inabot pa ng tatlong oras bago na-"clear" ng mga awtoridad ang lugar dahil hindi umano kaagad na i-report sa pulisya ang insidente.
"In 12 years of service, ngayon lang ako nakakita na naiwan sa hood (ang biktima)," ayon sa traffic enforcer na si Jamsel Cuyson.
Ayon sa kaibigan ng biktima, galing Ortigas ang rider at naghatid ng anak na nagtatrabaho.
"Pauwi na ho 'yan, 'yan ang nangyari," saad niya.
Sinabi ng ilang saksi na nakarinig sila ng malakas na ingay na parang bomba nang mangyari ang banggaan.
Inihahanda ng pulisya ang pagsasampa ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property charges laban sa driver ng MPV, na ayon sa kaanak ay hindi umano magbibigay ng pahayag.— FRJ, GMA Integrated News