Sinabi ni First Lady Liza Araneta-Marcos na hindi na uso ang paninira, pambabatikos, at mga salitang nakakasakit sa kapuwa.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing inihayag ito ng Unang Ginang sa dinaluhang caravan sa La Union nitong Martes.
“Hindi na po uso ang paninira, hindi na po uso ang pagbabatikos at mga salitang napakasakit. Hindi ganoon ang Pilipino, rich or poor, may class naman tayo ng kaunti,” bahagi ng kaniyang talumpati.
Idinagdag niya na layunin ng kampanyang Bagong Pilipinas na inilunsad ng kaniyang asawa na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na pag-isahin ang pribado at pampublikong sektor para sa lahat ng Pilipino.
Sinabi rin ng Unang Ginang na galing din siya sa pribadong sektor at babalik siya rito pagkatapos ng termino ng pangulo.
Kamakailan lang, inakusahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang mga Marcos, at maging ang pinsan nila na si Speaker Martin Romualdez, na nasa likod ng planong pag-amyenda sa 1987 Constitution para magtagal umano sa kapangyarihan.
BASAHIN: Mag-amang Rodrigo at Baste Duterte, bumanat kay Pres. Marcos
Hinamon din ng anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte, na magbitiw sa puwesto ang pangulo kung wala itong malasakit sa mga Pilipino.
Nangyari ang pag-atake ng mag-amang Duterte laban kay Marcos, nang araw na ilunsad ng huli ang kampanya nito na Bagong Pilipinas na ginanap sa Quirino Grandstand.
Sa pagtitipon sa La Union, sinabi ng Unang Ginang na ang Bagong Pilipinas ay isang "masterplan for genuine development for the benefit of all our people." —FRJ, GMA Integrated News