Ang nakabibighani, iconic at makasaysayan ang Manila Clock Tower na dinarayo ng mga turista ay dinesenyo ni Architect Antonio Toledo.
Itinayo ito noong 1930s kasama ng Manila City Hall at halos 100 feet ang elevation nito at mayroon itong apat na clock faces na nakaharap sa Intramuros, Bonifacio shrine, Rizal park at palasyo ng Malacañáng.
Ngunit sa likod ng magandang istruktura ay ang malagim na kasaysayan nito dahil nagkasira-sira ito noong World War Two sa battle for Manila taong 1945.
Pero matapos ang tatlong renovation ng lokal na pamahalaan ng Maynila, maganda na ngayon ang clock tower at isa na itong tourist spot.
Ito ay kilala na ngayon bilang Manila Clock Tower Museum ay may 200 steps paakyat sa tuktok nito, pero sulit naman dahil sa napakagandang 360 degrees view ng Maynila!
Ayon kay Jose Ma. D. Belmonte, museum project head, ginawa ng lokal na pamahalaan na museum ang makasaysayang tower para may mapasyalan ang mga tao sa Manila City hall.
Simbolo rin daw ito ng resiliency ng Maynila at para na rin i-promote ang kultura at heritage ng mga Manilenyo.
Sa unang dalawang palapag makikita ang mga display na naglalarawan sa bombing of Manila at mga vintage explosives at mortar cartridges na pinaniniwalaang ginamit noong World War II.
At ngayong National Arts Month, naka exhibit dito ang iba’t ibang obra ng mga tanyag na artist tulad ni National Artist Abdulmari Imao, Presidential Merit Awardee Ramon Orlina at iba pa.
Ayon sa pamunuan, idineklara ng National Museum at ng National Commission for Culture and the Arts ang Manila Clock Tower Museum bilang "important cultural property."
Bukas ang tower clock museum mula 10am hanggang 3pm, martes hanggang Biyernes.
Pero bago magpunta, dapat magpa-schedule muna sa kanilang official social media page. — BAP, GMA Integrated News