Nasawi ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng isa pang lalaki na kaniyang nakapikunan at nakasuntukan sa Tondo, Maynila. Ang arestadong suspek, itinangging sinaksak niya ang biktima.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang kuha sa Sta. Catalina Street, Barangay 102, pasado 7 p.m. kung saan naghabulan at magpang-abot ang biktimang si Ronaldo Hipolito at ang suspek na si Jonathan Ferrer.

Napaupo si Hipolito nang saksakin ni Ferrer.

Ayon kay Police Captain Jayson Viola, Chief ng Investigation and Intelligence ng Raxabago Police Station, nagtanong ang suspek sa biktima, ngunit hindi nagustuhan ng suspek ang sinagot nito kaya sila nagtalo at nagsuntukan.

Noong nakahandusay na ang biktima, umuwi ng bahay ang suspek, bago bumalik sa pinangyarihan ng insidente at inundayan ng saksak ang biktima.

Nagtamo ng saksak sa tagiliran ang biktima, na agad dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Tumangging makapanayam sa harap ng camera ang mga kaanak ni Hipolito, ngunit sinabi nilang magkakilala ang dalawa.

Gayunman, wala silang alam na may alitan ang mga ito.

Dati nang nabilanggo si Ferrer sa kasong frustrated murder.

Itinanggi niyang sinaksak niya ang biktima, kundi nagsuntukan lamang sila.

Hindi na na-recover ang ginamit na patalim, ngunit sinabi ng pulisya na may mga saksing nakakita sa pananaksak. – Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News