Naaresto na ang isang construction worker sa Cainta, Rizal na suspek sa pagpatay sa kaniyang katrabaho na tumanggi umanong magpahiram ng P1,000 sa kaniya dahil nag-iipon ito para sa planong pagpapakasal.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing patay na at duguan nang matagpuan noong Agosto 2023 sa inuupahang kuwarto sa Pasig ang biktimang si Jericho Echane.
Natukoy ng mga awtoridad na pagnanakaw ang motibo sa krimen at mga katrabaho ng biktima ang suspek.
“Itong suspek, initially, pilit na nangungutang ng pera [sa biktima]… at hindi niya napautang dahil ito'y iniipon niya para sa planong pagpapakasal sa girlfriend niya,” sabi ni Pasig Police Chief Police Colonel Celerino Sacro.
Matapos ang limang buwan, lumabas ang warrant of arrest laban sa suspek na si Arlo Medalla, 34-anyos, at naaresto siya ng mga tauhan ng Mobile Force Battalion of the Eastern Police District.
“Sa pamamagitan ng casing at surveillance, ang mga personnel natin pinuntahan ang last known address niya. Positive siya na na-identify at nalaman na nandoon siya sa lugar na 'yon sa West Bank, Cainta, Rizal,” ayon kay EPD District Mobile Force Battalion Assistant Force Commander Police Major Edgar Escreza.
Sinabi naman ni Medalla na kasama lang siya pero hindi siya ang talagang pumatay sa biktima. Itinuro niya na mayroon pa siyang tatlong katrabaho na kasama nang mangyari ang krimen.
“Apat po kasi kami… Sinamahan ko lang sila para manghiram sa kaniya,” ani Medalla, na nagsabing hinawakan lang niya si Echane pero ang kasama niya ang gumapos at naggilit sa leeg ng biktima.
“Humihingi po ako ng pasensya [sa] kaanak at kapatid, kahit hindi man ako ang gumawa at mga kasama ko… Pinapangako ko na pagdurusahan ko ang mga ginawa ng mga kasama ko,” ayon sa suspek.—FRJ, GMA Integrated News