Nangangamba ang ilang residente sa Maynila sa kanilang kaligtasan dahil sa gumagalang mga holdaper na sakay ng mga motorsiklo at nakabiktima na ng lalaking nag-withdraw sa ATM.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa Barangay 719, Zone 78 nang sundan at kornerin ng anim na suspek na sakay ng tatlong motorsiklo ang isang lalaki na katatapos lang mag-withdraw sa ATM na malapit sa P. Ocampo St.
Armado umano ng baril ang mga suspek at kinuha ang P3,000 na pera ng biktima.
Tumakas ang mga salarin papunta sa Pasay City.
Bago ang naturang insidente, may isang babae rin na tinangka raw holdapin ng grupo sa lugar.
Kaninang madaling araw, isang dayuhan naman ang tinangayan ng cellphone ng salaring sakay din ng motorsiklo.
“Kaya ako naki-usap na mapalabas ito sa TV, kasi ang mga kapitbahay, kahit madilim makikilala ang mga ito… Nakakatakot kasi, biro mo, tatlo, may mga baril, bali anim. Ano magagawa ng mga tanod kung ganoon?” sabi ni Barangay 719, Zone 78 chairman Honorable Jaime Adriano.
“Talagang trabaho na nila. Kung minsan, Taft Avenue, Roxas Boulevard. Umiikot sila kapag nakatiyempo,” dagdag ng punong barangay.
Tiniyak naman ni Manila Police District Director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, na lulutasin ang naturang kaso.
“I have directed the Station 9 Commander (Malate Police Station) at sa District Tactical Motorized Unit na makipagugnayan sa barangay na nakakasakop para mapatrulyahan at hulihin ang mga ito. Aaksyunan namin ito,” ayon kay Ibay.-- FRJ, GMA Integrated News