Sinabi ng dating tagapagsalita ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque na legal ang fentanyl na ginagamit bilang painkiller.

Ginawa ni Roque ang pahayag matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na "naapektuhan" na si Duterte ng "fentalyn," kasunod naman ng alegasyon ng huli na "bangag" at drug addict ang Punong Ehekutibo.

“Legal naman po ang fentanyl,” sabi ni Roque sa ambush interview.

“Ang cocaine ay ang pinagbabawal," dagdag niya.

Noong nagsisimula pa lang sa kaniyang termino bilang pangulo noong 2016, sinabi ni Duterte na binigyan siya ng gamot na fentanyl dahil sa pananakit ng kanilang gulugod.

"You have never been to paradise but I've been there. Parang paradise noong gamit ko," saad noon ng dating pangulo.

Sinabi rin niya na pinagsabihan siya ng kaniyang duktor nang malaman na buo niyang iniinom ang gamot.

Noong 2023, inihayag ng  Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)  na nagiging “emerging drug problem” sa bansa ang fentanyl.

Matapos akusahan ni Duterte na gumagamit si Marcos ng ilegal na draga, naglabas ng pahayag ang PDEA para pabulaanan ang sinabi ng dating pangulo na nasa drug watch list si Marcos.—FRJ, GMA Integrated News