Arestado ang isang lalaki sa Muntinlupa City matapos mahulihan umano ng iba't ibang uri ng armas, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Hinainan ng search warrant ang suspek na nagpakilalang isang dating sundalo. Bago inaresto, isang buwang tiniktikan ng mga otoridad ang suspek.

Hiniling ng pulisya na huwag munang pangalanan ang suspek dahil may follow-up operations pa silang ikakasa.

Kabilang sa mga nakuha sa bahay ng suspek ay caliber 22 na handgun, shotgun at caliber 22 na rifle.

Ayon sa imbestigasyon, binibenta ng suspek ang mga armas at posibleng ginagamit din umano sa krimen.

"During the process of investigation, he admitted na ito ay mga firearms na nasa possession niya talaga and it is noteworthy also na during the interview conducted, nasabi niya na itong firearms na ito ay binibenta niya sa kaniyang close friends," ani Police Colonel Angel Garcillano, hepe ng Muntinlupa Police.

Pero sa panayam ng media, itinanggi ng suspek na binibenta niya ang mga armas. Aniya, pinapaayos lang ang mga ito ng mga kaibigan niya.

Kinukumpirma pa ng mga otoridad kung totoo ngang dating sundalo ang suspek. —KBK, GMA Integrated News