Iginiit ng isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na hindi nila minamanipula ang resulta ng kanilang lotto games. Sa harap ito ng magkasunod na pagtama ng tig-isang mananaya sa dalawang lotto draw na parehong mahigit P600 milyon ang jackpot.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement nitong Huwebes, inihayag ni Senador Raffy Tulfo kay PCSO General Manager Mel Robles, ang hinala umano ng ilan na may sadyang pinapatama na mananaya ang ahensiya para manalo ng malaking jackpot.
“Ang sinasabi ng ilan, meron kayong plinanta na tao para tayaan ang lahat ng possible combinations. Ginawa niyo ‘yun, P280 million ang ginastos… 14 million combinations napakatagal 'yon kung tutuusin…Now, ang sinasabi ngayon nila, possible naman daw ‘yon, especially na itong 6/49 ay pinanalunan online,” ayon kay Tulfo.
“Puwedeng manipulahin ‘yung machine na para magkaroon ng automatic sequence betting na in a matter of minutes or hours, kaya nang matayaan ang lahat ng numero,” dagdag niya.
Enero 16 nang tamaan ng isang mananaya ang mahigit P640-M jackpot sa Super Lotto 6/49, habang sa sumunod na araw ay isang mananaya rin ang nasolo ang mahigit P698-M jackpot sa Grand Lotto 6/55.
BASAHIN: Isang mananaya, nasolo rin ang P698-M jackpot sa Grand Lotto 6/55 draw
Sa pagdinig sinabi ni Robles na kahit nakapaglabas sila ng P1.3 bilyon sa kanilang promo na malakihan ang premyo na sinimulan noong Disyembre, kumita naman umano ang PCSO ng P2.2 bilyon.
Tiniyak din ni Robles sa senador na hindi nila minamanipula ang resulta ng lotto games.
“We would like to assure you that you can never, never manipulate it. Kaya nga allowed kami mag-bet, Mr. Chair. Even I can bet because it’s beyond me. Even if we wanted to, with the system we have, we cannot,” ani Robles.
“I take exception na kayang panalunin. Definitely, madami pong tataya kung malaki ang jackpot. ‘Yun po naman ang objective namin– to really bring in bettors,” dagdag pa niya.
Bagaman puwede umanong tayaan ang lahat ng kombinasyon, hindi naman daw ito garantiya ng kanilang panalo.
BASAHIN: PCSO: Lahat ng kombinasyon, puwedeng tayaan para tiyak ang panalo sa lotto pero...
“It does not guarantee that you will get the jackpot by yourself. Our records show, hindi naman binet-tan po ang lahat ng combinations nung day na tinamaan [ang malaking jackpot],” anang opisyal.
Pinuna rin ni Tulfo ang ginawang pagpapalaki sa premyo sa lotto na puwede raw sanang gamitin sa ibang proyekto gaya ng pagtulong.
Paliwanag ni Robles, taktika iyon para mahikayat ang maraming tao na tumaya upang malaki ang kanilang kita.
“We made P800 million net, not to mention the taxes generated,” ani Robles.
Nilinaw din ni Robles na 30 percent lang ng kita ng PCSO revenue ang puwedeng gamitin sa charity sa ilalim ng batas.
Sa press conference, tinawag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, na “quite unnatural” ang madalas na may tumama sa panahon na pinalaki ng PCSO ang premyo.
“In one month’s time, napanalunan lahat ng five lotto games ng PCSO after the augmentation of the jackpot… So P1.7 billion ang augmentation parang pamasko nung 2023. Natamaan lahat iyon in more or less one month,” puna ni Pimentel.
“There have been past instances na more than P500 million ang jackpot, hindi augmented but the natural accumulation of the jackpot and yet tingnan natin ang time period bago siya tinamaan. It took mga three to four months,” dagdag niya.—may ulat si Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News