Tatlong lalaki ang inaresto dahil sa umano'y agaw-parcel modus sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules.
Isa sa mga suspek ang itinuturong nag-order at nagpa-deliver ng pabango at pagdating ng rider ay inagaw sa kaniya ang parcel at nagdeklara ng holdap.
Sa kuha ng CCTV, makikitang may kausap sa cellphone ang isang lalaki habang naglalakad sa isang bahagi ng Barangay UP Campus. Maya-maya pa ay nakitang tumatakbo na ang lalaki paalis sa lugar.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang umangkas sa naghihintay na motorsiklo ang lalaki. Kapansin-pansin na may hawak na siya sa kaliwang kamay. Kasabay nilang tumakas ang isa pang motorsiklo na may sakay ding dalawang lalaki.
Ayon sa pulisya, nang-agaw ang grupo ng parcel ng isang delivery rider. Pabango raw ang ide-deliver ng biktima sa isa sa mga suspek.
"May nag-book sa kaniya na parcel na worth P3,000. So dineliver ng delivery rider doon sa area. Pagdating doon sa area ay may nag-aabang pala sa kaniya na grupo," kuwento ni Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, hepe ng Anonas Police Station.
"So inagaw sa kaniya 'yung parcel, nagdeklara ng holdap," dagdag pa niya.
Naaresto ang tatlo sa apat na suspek kalaunan. Batay sa imbestigasyon, dati nang nasangkot sa snatching ang grupo. Tatlong beses na raw nasangkot sa agaw-parcel modus ang mga suspek.
"Once na-deliver na 'yung item, tatakutin nila 'yung delivery rider, tatangayin 'yung parcel na hindi nagbabayad. Kasi itong parcel ay cash on delivery pero wala namang aktuwal na bayarang mangyayari. Ang gagawin nila ay itatakbo nila 'yung parcel," ani Casiano.
Hindi na nabawi ang parcel pero nakuha ang dalawang ginamit na motorsiklo ng mga suspek.
Dalawa sa mga suspek ay dati na raw nakulong dahil sa droga habang ang isa ay dating nakasuhan dahil sa pagnanakaw.
Mahaharap ang tatlo sa kasong Robbery in Relation to Motorcycle Crime Prevention Act.
Patuloy namang hinahanap ng pulisya ang isa pang suspek. —KBK, GMA Integrated News