Sa kulungan ang bagsak ng limang empleyado ng isang travel agency sa Quezon City dahil sa pagtanggap ng bayad ng kanilang mga kliyente ngunit hindi ibu-book umano ang mga ito.
Sa ulat ni GMA Integrated News reporter James Agustin para sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nadakip ang mga empleyado sa Barangay Teachers Village East sa ikinasang operasyon ng pulisya.
Mahigit 20 ang dumulog sa Anonas Police Station para ireklamo ang naturang travel agency.
Huling nabiktima ng ahensiya ang limang magkakatrabaho na papunta sana sa Boracay upang magbakasyon pero hindi natuloy.
Ayon sa magkakatrabaho, halos P89,000 ang binayaran nilang group package para sa apat na araw na bakasyon, kasama na ang airfare at hotel accommodation.
Inilahad ng pulisya na nagbayad ang mga biktima sa pamamagitan ng bank transfer, ngunit nalaman nilang hindi sila naka-book kaya hindi sila nakaalis.
Lumabas sa imbestigasyon na dati na ring inireklamo ang travel agency noong 2023, at hinuli na rin ang ilang empleyado nito.
Kabilang pa sa mga nabiktima ang ilang magbabakasyon sa Hong Kong.
"Itong kumpanyang ito ay palipat-lipat lang sa lugar. 'Pag sila ay nabulabog na, lilipat na naman sila ng opisina. Una, may mga flight sila na pinatutuloy pero kapag maramihang booking na at alam na ang tao ay puwedeng lokohin saka nila ito hindi ibu-book," sabi ni Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, Anonas Police Station Commander.
Mahaharap ang mga inirereklamo sa kasong syndicated estafa. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News