Matapos mapanalunan ng isang mananaya ang mahigit P640-M jackpot sa Super Lotto 6/49 nitong Martes, isang mananaya rin ang masuwerteng nasolo ang mahigit P698-M jackpot sa Grand Lotto 6/55 draw nitong Miyerkules, Enero 17, 2024.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na ang lumabas na mga numero sa Grand Lotto draw ay 24-50-52-09-51-03, at may kabuuang premyo na P698,806,269.20.

Sa Facebook page naman na PCSO Games Online Hub, nakasaad na may 28 mananaya ang nanalo ng 2nd prize na P100,000.00 ang premyo.

Wala namang tumama sa kasabay nitong draw na Megalotto 6/45, na ang lumabas na mga numero ay 28-05-33-01-23-20, at may premyong P25,568,828.00.

Apatnapu't tatlong mananaya ang nanalo ng P32,000 bilang 2nd prize.

Nitong Martes, ang lumabas na mga numero sa Super Lotto 6/49 draw ay 26-33-14-48-06-42, na may kabuuang premyo na P640,654,817.60.

Nakasaad sa website ng PCSO na isa lang ang nanalo. -- FRJ, GMA Integrated News