Nasagip ng isang aso ang kaniyang amo at kanilang mga kapitbahay dahil sa mga hinukay nitong mga butas sa kanilang bakuran, na senyales pala ng isang mapanganib na gas leak sa Philadelphia, USA.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing palaisipan noong una sa furmom na si Channell Bell kung para saan ang hinukay na butas ng alaga niyang si Kobe.
Hindi niya ito agad pinansin, ngunit paulit-ulit ang aso sa ginagawa nito kaya siya kinutuban.
“He kept digging holes in the yard. I didn’t think anything of it, but then again I was like, ‘This is not like him,’” sabi ni Bell.
Bago nito, nagkaroon na ng gas leak sa kanilang bahay kaya may inihanda siyang gas detection device.
Ginamit niya ito upang kumpirmahin ang kaniyang hinala.
“I checked outside when he did it again on the 21st and I said ‘You know what? Let me check the hole.’ I checked the hole, it was gas,” sabi ni Bell.
Dahil dito, agad nag-ulat si Bell sa mga awtoridad, at kinilabutan sa natuklasan sa kanilang pag-iinspeksiyon.
“For them to say that a light switch could have blown up the whole house, which is really, really, really mind blowing. I’m so thankful, thankful for God, thankful for my baby boy,” sabi ni Bell.
Resulta umano ng luma at kinakalawang nang gas pipes sa lugar ang gas leak.
Natuklasan ding hindi lang isa kundi tatlo ang main gas leak sa lugar.
Agad na pinatay ng foreman at crew ang gas at tatlong araw silang walang humpay na nag-ayos ng mga tubo.
Kinabitan na rin nila ito ng bagong gas pipes.
Dahil sa ginawa ni Kobe, nasagip niya ang buong compound sa sakuna at tiyak nang ligtas ang kanilang mga kapitbahay.
“If it wasn’t detected and the gas continued to leak into our homes, we were told it could’ve caused serious health effects like respiratory issues, brain damage and even death. It feels amazing to know Kobe saved our block, I’m very thankful to have him,” sabi ni Bell. — VBL, GMA Integrated News