Nagtamo ng maga sa kaliwang mata at pumutok ang kilay ng isang taxi driver matapos siyang pagsusuntukin ng nakaalitang SUV driver na nag-akusa sa kaniya ng panggigitgit sa kalsada sa Taguig City. Ang kanilang away, humantong pa sa buhusan ng tubig.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing inireklamo ng taxi driver na si Celso Delos Reyes sa presinto ang SUV driver na nag-aakusang nang-cut umano siya.
Sabay na tumigil sa drop-off bay ng isang mall ang taxi ni Delos Reyes at ang SUV ng suspek, at doon na sila nag-away, na nakunan ng CCTV.
“Binaba niya ‘yung bintana niya tapos kinompronta niya ako. Sabi niya **** ang tanda-tanda mo na, ‘di ka pa maayos magmaneho,” kuwento ni Delos Reyes.
Agad bumaba ang suspek mula sa SUV at sinugod ang taxi.
Iginigiit ng SUV driver at ng misis nito na ginitgit sila ng taxi, bagay na mariing itinanggi ni Delos Reyes.
Ayon pa sa taxi driver, isa pang SUV ang nag-cut sa kaniya kaya iniwas niya ang kaniyang taxi.
“Ang sabi ko ‘Sir hindi ko naman kayo cinut (cut) eh, cinut po ako ng Fortuner kaya nailabas ko po ‘yung unahan ng taxi ko. Wala naman po kayong atraso sa akin,’” kuwento ni Delos Reyes.
Gayunman, hindi kumalma ang SUV driver.
“Galit na galit siya, ang ginawa niya, binuhusan niya ako sa mukha. Ang ginawa ko po sa sobrang sama rin ng loob ko, meron po ako, binuhusan ko rin po sila. Sabay lumayo na po sana ako noon. Paglayo ko po, umaabante na ako, pinaharang ako ng lalaki sa mga security guard,” sabi pa ni Delos Reyes.
Pagkaharang sa taxi sa pag-abante nito, lumapit ang asawa ng SUV driver.
“Ito pong asawa niyang babae, akala ko tapos na, binuhusan po ako ng mineral water nang malakas sa mukha. Ito naman pong lalaki, lumingon na akala niya papatulan ko ‘yung asawa niya, inupakan agad ako sa mukha,” sabi ni Delos Reyes.
Pinigilan ng mga security guard ng mall ang SUV driver, at lumabas din sa kabilang pinto si Delos Reyes.
Habang nasa presinto, sinabi ni Delos Reyes na nakikipag-areglo sa kaniya ang nakaaway na mag-asawa ngunit tumanggi siya.
“Itutuloy ko, magdedemanda po kami, may attorney naman po kami sa company namin,” sabi ni Delos Reyes.
Dinakip ang suspek, na naka-detine na sa Taguig City Police Station at nahaharap sa reklamong slight physical injuries.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek sa media at mga awtoridad.
Nananawagan naman si Delos Reyes ng tulong sa pagpapagamot.
Ayon kay Delos Reyes, may namuong dugo sa kaniyang mata kaya kailangan niyang magpatingin sa ophthalmologist. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News