Arestado ang isang 66-anyos na lalaki matapos mabisto ang iba't ibang klase ng pampasabog sa loob ng kaniyang bahay sa Florida sa Amerika.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, kinilala ang suspek na si Michael Maree.
Sumalubong sa Bagong Taon ni Maree ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaniyang bahay nitong Enero 1, 2024.
Pagkapasok nila sa tahanan ng lalaki, nagimbal sila matapos mamataan ang hand grenades at firearm suppressor na nasa loob ng isang toolbox.
Bukod dito, mayroon ding dalawang piraso ng hinihinalang pampasabog sa isang maliit na lalagyan.
Sa puntong ito, humingi na ng tulong ang mga awtoridad sa bomb squad, lalo't peligroso ang mga natagpuang pampasabog sa bahay ni Maree.
May nakita ring mercury switches na maaari umanong gamitin bilang anti-tampering devices para sa mga pampasabog.
Nasa bahay din ni Maree ang isang railroad torpedo na kayang lumikha ng malakas na ingay kapag nadaanan sa riles kaya posibleng mapatigil ang isang tren.
Nagpositibo sa mga ilegal at ipinagbabawal na kemikal ang mga natagpuang pampasabog sa bahay ng suspek.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Maree, na sasampahan ng reklamo para sa ilegal na pagmamay-ari ng destructive device.
"I fail to find a valid reason why anyone would be in possession of explosive devices especially that could cause great harm to an individual or our community. I feel much better knowing this man is in our custody and will be forced to answer for this unthinkable behavior," sabi ni Sheriff Carmine Marceno, Lee County Sheriff's Office. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News