Hindi makatayo at nagtamo ng mga sugat sa ulo ang isang motorcycle rider nang sumalpok siya sa isang modern jeep sa Commonwealth Avenue Extension sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente bandang 11 p.m. ng Miyerkoles.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon nang ilang metro ang helmet ng rider.

Ayon sa isang saksi sa insidente, agad tumawid sa kanto ng Commonwealth Avenue at Mindanao Avenue ang rider kahit naka-stop na ang traffic light.

Tiyempo namang umaatras ang isang modern jeep na pagarahe na sa lugar.

Pagkarating ng mga rescuer, isinakay sa stretcher ang rider at nilapatan ng paunang lunas sa ambulansiya bago dinala sa ospital.

Patuloy na iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 2 ang aksidente, na nagdulot ng bahagyang pagbigat ng trapiko sa lugar. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News