Patay ang 68-anyos na lalaki matapos siyang saksakin sa isang eskinita sa Pasig City. Naaresto sa follow-up operation ang suspek na umamin na binayaran siya ng P20,000 para patayin ang biktima.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nahuli-cam sa Barangay Pinagbuhatan ang suspek na nakasakay sa motorsiklo, habang inaabangan ang biktimang si Antonio Bantilan na pumasok sa eskinita.
Nang makita ang biktima, bumaba ng motorsiklo ang suspek na nakilalang si Minardo Lialde at sinundan ang biktima sa eskinita at pinagsasaksak.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad, nahuli si Lialde at inamin ang krimen. Itinuro din niya si Ramon Velasco alias Ara, na nagbayad umano sa kaniya ng P20,000 para patayin ang biktima.
"Alang-alang sa pera, dahil una magba-bagong taon, gusto ko lang maging masaya," sabi ni Liade tungkol sa pagpayag niyang itumba si Bantilan.
Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ng biktima.
Ayon kay Pasig Police Chief Police Colonel Celerino Sacro, pera din ang ugat kaya ipinapatay umano ni Velasco si Bantilan.
“Pera po [ang motibo] dahil itong may-ari ng property sinanla niya ng P500,000 doon sa mastermind. At nung sisingil na ng mastermind ang pera, instead na magbayad ay binigyan siya ng hanggang January 24 para paalisin itong mastermind,” anang opisyal.
Itinanggi naman ni Velasco ang bintang at sinabing hindi niya kilala si Liade.
Ngunit ayon kay Sacro, may CCTV footage na makikita ang dalawa na posibleng nangyari nang araw na planuhin ang pagpatay sa biktima.-- FRJ, GMA Integrated News