Isang babae na mula sa Albay ang nanalo ng mahigit P571 milyong jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58. Ayon sa isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pangalawang beses pa lang tumataya sa lotto ang lucky winner, at dalawang "lucky pick" lang ang tinayaan na nagkakahalaga ng P40.00.
Kinubra umano ng mananaya na isang "public employee" ang napanalunan nitong premyo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City nitong Martes.
Nanalo ang mananaya nang tamaan niya ang lumabas na kombinasyon sa Ultra Lotto 6/58 draw noong Biyernes, December 29, na 19-35-25-42-58-05.
Ayon sa PCSO, batay sa lotto winner, mas madalas siyang maglaro ng Scratch It games, at pangalawang beses pa lang na tumaya ng lotto.
Dalawang lucky pick umano ang tinayaan ng lucky winner na nagkakahalaga ng P40.00.
Nahikayat umano ang lucky winner na tumaya sa lotto dahil sa pinalaking premyo na umaabot sa P500 milyon na tinatawag na "Handog Pakabog."
"Ang masasabi ko lang sa mga nagsasabi na hindi totoo ang mga nanalo sa Lotto ay nagkakamali po kayo," ayon sa mananaya sa inilabas na pahayag ng PCSO. "Kailangan niyo tumaya para malaman niyo na totoo ang lotto."
Kabilang umano sa unang tinanong ng lucky winner ay kung papaano niya mabibigyan kaagad ng parte ng kaniyang napanalunan ang apat niyang anak. --FRJ, GMA Integrated News