Arestado sa Quezon City ang isang lalaking 19-taon nang wanted sa Naga, Camarines Sur dahil sa kasong rape, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

"'Yung kaso po ay nangyari noong 2004 sa Camarines Sur, at itong suspek nga ay nasampahan ng kaso ng biktima dahil nabuntis niya po ito at hindi pinanagutan," ani Police Lieutenant Colonel Richard Mapania, hepe ng Project 6 Police Station.

Lumabas ang warrant of arrest laban sa 37-anyos na suspek noong 2009, ayon kay Mapania.

Naaresto siya sa Barangay Bahay Toro sa Quezon City kung saan siya nagtatrabaho bilang tindero ng prutas.

Paliwanag ng suspek, hindi niya alam na may warrant of arrest laban sa kaniya.

"Nabigla ako na ganito ang nangyari. Ako po naghahanapbuhay lang para sa anak ko," sabi ng suspek.

Itinanggi rin ng suspek ang paratang na panggagahasa laban sa kaniya. —KBK, GMA Integrated News